KUNG ang Pilipinas ay minalas sa pananalasa ng malalakas na bagyo tulad ng Yolanda, Ruby, Ondoy at pagbaha na kumitil ng libu-libong buhay at bilyun-bilyong pisong ari-arian at pananim, minamalas naman ngayon ang Malaysia dahil naman sa sunud-sunod na pagbagsak ng mga eroplano nito na pawang misteryoso ang pagkawala. Biglang nawala ang MH-370 na mahigit 200 ang pinaniniwalaang namatay. Isa pang MH ang tinarget naman sa himpapawid sa pagitan ng Ukraine at Russia na ikinamatay ng maraming pasahero, at nitong huli ay biglang naglaho ang AirAsia na may 162 pasahero.

Noong Disyembre 30, 2014, ginunita ng bansa ang ika-118 kamatayan ng pambansang bayani, si Dr. Jose Rizal. Sa meron o walang lehislasyon tungkol sa pagiging pambansang bayani ni Rizal, siya ang itinuturing na tunay na bayani ng mga Pinoy. Hindi dapat pagkumparahin sina Rizal at Andres Bonifacio na nagtatag ng Katipunan sapagkat magkaiba ang kanilang pamamaraan ng pagtulong sa bayan na noon ay nasa ilalim ng pamatok ng mga Kastila. Hindi dapat pag-awayan ng mga maka-Bonifacio at maka-Rizal ang kanilang kabayanihan. Sila ay kapwa bayani.

Huwag Kang Magnakaw - ito ang adbokasiya ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle. Nakasulat ito sa mga T-Shirt ng ilang kaibigang journalist na kasama kong umiinom ng kape matapos ang jogging. Nakasulat din sa T-Shirt ang Exodus 20:15. “We should not allow corruption and cheating to become part of Filipino culture and the military, ” sabi pa ni Cardinal Tagle.

Tatlong batang ulila na ang mga miyembro ng pamilya ay biktima ng supertyphoon Yolanda ang nagpahayag na ang mahihirap na tulad nila ay dapat na magkaroon ng oportunidad na makasama sa pananghalian ni Pope Francis at hindi ang mayayamang mga pulitiko. Sinabi ng 13 -anyos na si John Paul Madrigal na taga-Palo, Leyte: “Hindi tama ito”, ayon sa kanya, nang malamang apat na pulitiko, sina Palo Mayor Remedios Petilla, Gov. Leopoldo Dominico Petilla, Tacloban City Alfred Romualdez, at isang kongresista, ang maaaring makasalo ng Papa sa Enero 17 kasama ang 30 pang biktima ng Yolanda at survivors ng lindol sa Bohol noong 2013.
National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza