Lumobo pa sa halos 600 ang mga fireworks-related incident na naitala ng Department of Health (DoH) sa pagsalubong sa 2015.
Batay sa huling tally na inilabas ng DoH, mula Disyembre 21 hanggang 6:00 ng umaga ng Enero 2 ay umakyat na sa 593 ang nasugatan dahil sa paputok.
Sa nasabing bilang, 580 ang direktang nasugatan sa paputok, tatlo ang firework ingestion at 10 naman ang biktima ng stray bullets, na kinabibilangan ng dalawang nangangailangan ng operasyon.
Ang naturang January 2 tally ay 338 kaso o 36 porsiyento na mas mababa kumpara sa five-year-average (2009-2013) at 393 kaso o 40 porsiyentong mas mababa kung ikukumpara sa katulad na petsa noong nakaraang taon.
Wala pa namang iniulat ang DoH na nasawi sa mga biktima, dahil ayon kay Acting Health Secretary Janette Garin, ang Philippine National Police (PNP) ang maghahayag nito.
Kabilang sa mga biktima ng stray bullet na nagtamo ng seryosong pinsala ang isang 13-anyos na babae na taga-Batasan Hills, Quezon City na tinamaan ng bala sa ulo bago maghatinggabi noong Disyembre 31.
Ang biktima ay kasalukuyang inobserbahan sa East Avenue Medical Center (EAMC) matapos isailalim sa surgical opening ang kanyang bungo upang maalis ang mga namuong dugo doon at gayundin ang bala.
Nasa maayos nang kondisyon ang biktima, ayon sa DoH.
Ang ikalawang kaso naman ng “serious stray bullet injuries” ay ang isang tatlong taong gulang na lalaki na mula sa Cotabato City na tinamaan ng bala sa kaliwang mata habang natutulog sa loob ng tahanan.
Ang biktima ay kasalukuyang nasa Cotabato Regional Medical Center matapos operahan ang mata at palitan ng silicon eye replacement.
Nasa maayos na kondisyon na umano ang paslit.
Sa 580 katao naman na direktang nasugatan dahil sa paputok, 471 kaso o 81 porsiyento ang lalaki at nagkakaedad lang ng mula anim na buwan hanggang 84 na taong gulang.
Karamihan sa mga biktima ay mula sa Metro Manila (313 kaso o 54%) at 119 o 38% ay mula sa Maynila.
Ang 465 sa mga kaso o 80% ay nagtamo ng blast injury without amputation, 25 kaso naman o 4% ang nagtamo ng blast injury with amputation, at 103 o 18% naman ang nagkaroon ng eye injuries.
Nananatiling ang piccolo ang pangunahing dahilan ng pagkasugat ng mga biktima na nakapagtala ng 223 kaso o 38%.
Ang monitoring ng DoH hinggil sa fireworks-related injuries ay magtatagal hanggang sa Enero 5, 2015.