Tiwala si Senator Cynthia Villar na magiging maunlad ang coconut sugar bilang alternatibo sa asukal na galing sa tubo.
Ayon kay Villar, dapat na suportahan ang isinusulong ng Bureau of Agricultural Research (BAR) at ng Philippine Coconut Authority (PCA).
Aniya, malaking tulong ito sa mga magniniyog lalo pa at doble dagok sa kanila ang cocolisap at ang mga nagdaang bagyo.
Sinabi ni Villar na maganda sa kalusugan ang asukal na galing sa niyog at katunayan ay ito ang ginagamit nilang promosyon ng produkto.
“The health benefits of coco sugar are one of its biggest selling points. It has a glycemic index (GI) of 35, and sucrose content of 80, which makes it healthier than cane sugar. It is also processed with no preservatives and chemicals,” ani Villar.
Sinabi nito na may mga kooperatiba na rin ang mga magniniyog para gumawa ng asukal, partikular sa Quezon at Bicol.
Ipinahayag pa ni Villar na katuwang din nila ang mga kooperatiba sa produkto naman ng Las Piñas na kanyang pinangungunahan.
Aniya, ang bunot ng niyog ay ginagamit nila bilang pang-riprap at masa na matibay kumpara sa semento.