ILOILO – Tuluy-tuloy kahapon ang search at rescue operations para sa sampung katao na nawala nitong Huwebes sa Carles, Iloilo.
Ayon kay Jerry Bionat, executive director ng Iloilo Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), 4:00 ng hapon nitong Huwebes nang mawala ang 10 magkakamag-anak.
Sinabi ni Bionat na galing sa selebrasyon ng Bagong Taon sa Isla Naburot ang pamilya Bartolome at pauwi na sa Barangay Asluman sa Isla Gigantes Norte nang mangyari ang insidente.
Nagkuwento si Reynaldo Bartolome kung paanong nahulog sa bangkang de-motor ang 22-anyos na kapatid na lalaki ng kanyang 25-anyos na manugang na lalaki.
Nang tangkain ng nahulog na bumalik sa bangka ay tumaob ang huli sa gitna ng Visayan Sea.
Inisip na walang magliligtas sa kanila, sinabihan ni Bartolome ang kanyang mga anak, mga apo at ang kanyang manugang na lalaki na manatiling nakalutang sa pagkapit sa nakataob na bangka.
Dali-daling lumangoy si Bartolome patungo sa pampang ng Isla Gigante Norte para humingi ng saklolo.
Ngunit nang dumating ang rescue team ay hindi na matagpuan ang 10 katao, maging ang tumaob na bangka.
Ang pinakamatanda sa mga nawawala ay 29-anyos habang dalawang taong gulang naman ang pinakabata.
Sinabi ni Bionat na dinadagdagan ng Philippine Coast Guard (PCG)-Iloilo at Iloilo Provincial Bantay Dagat ang rescue team para agad na matagpuan ang magkakamag-anak.