(HULING BAHAGI)
Sa lokal na larangan pa rin sa isports, higit na pinagpiyestahan sa mga pahayagan, sa radyo at telebisyon ang nangyaring ``away`` sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) men`s basketball sa pagitan ng Mapua at Emilio Aguinaldo College (EAC).
Nagkaroon ng `bench-clearing incident` nang sinadyang itulak ni John Tayongtong ang Cardinal na si CJ Isit habang nagbababa ng bola na galing sa backcourt , 28.5 segundo ang nalalabi sa laro. Lamang noon ang Generals, 86-77.
Inakalang naagrabyado ang kanyang kakampi, gumanti si Leo Gabo at siniko si Tayongtong at nagsimula nang magkagulo at magpasukan sa loob ng korte ang players na nasa bench nang suntukin ni Tayongtong si Isit at bumulagta sa gitna.
Dahil dito, 17 mga manlalaro, kasama sina Tayongtong, Gabo at Isit ang sinuspinde ng NCAA at maging ang tatlong referees na tumakbo sa nasabing laban.
Mas pinag-usapan pa ang nasabing insidente kaysa sa pagkakumpleto ng San Beda College (SBC) ng 5-peat championships sa ilalim ni coach Boyet Fernandez na naging head coach naman ng NLEX team sa PBA sa pagsalta nito sa pro-leageu matapos mabili ang prangkisa ng Air21 Express.
Naging maugong din at paboritong paksa ng basketball fans ang Gilas Pilipinas kasunod sa kanilang muntik nang pagkapanalo sa mga world class Oredoteam na gaya ng Argentina, Croatia, Puerto Rico at Greece.
Ito ay matapos na maitala ng bansa ang unang panalo sa World Cup, makalipas ang 40 taon, nang kanilang gapiin ang Senegal, 81-79, kaya’t naging instant favorite sila para maging title contender sa 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea.
Ngunit nadismaya ang lahat nang ideklarang ineligible ng organizers ang naturalized center ng Gilas na si Andray Blatche kung kaya’t muling ginamit si Marcius Dothit para maging reinforcement.
Gayunman, ang inaasahang magandang pagtatapos ay naunsiyami dahil pagkaraang maipanalo ang unang laro kontra sa India, nabigo ang Gilas sa reigning FIBA Asia champion na Iran na sinundan pa ng sorpresang pagkatalo sa Qatar na nagpalabo sa pag-asa na makapasok sila ng quarterfinals dahil muli silang nabigo sa Korea kahit pa naipanalo ang huling laro laban sa Kazahkstan. Ito ay sanhi ng mababang quotient.
Dahil dito, nagtapos silang ikapito, ang pinakamababang pagtatapos ng bansa sa Asian Games sa kasaysayan ng partisipasyon sa quadrennial meet.
Nakadagdag pa ito sa maituturing na `debacle performance` ng bansa sa Asian Games na isinalba lamang ng isang gold medal win ng BMX rider na si Daniel Caluag sa cycling, kasunod sa pagkabigong magkapag-deliver ng inaasahang mga atleta mula sa taekwondo at boxing.
Hindi rin nagtagal, nagbitiw sa kanyang tungkulin bilang head coach si Chot Reyes na nagbigay daan naman sa pagkakapili sa dati niyang consultant na si Tab Baldwin para maging bagong head coach ng Gilas.
At bago pa natapos ang taon, ginimbal ng isa pang masamang balita ang Philippine basketball nang isugod sa ospital ang kinikilalang Skywalker at dating PBA superstar na si Avelino ``Samboy `` Lim makaraan itong himatayin habang nagpapahinga kasunod ng ilang minutong paglalaro kasama ng kanyang mga kapwa PBA Legends.
Nanatiling walang malay ang 56-anyos na basketbolista na hinangaan nang husto ng fans sa kanyang mga `hang-time moves` noong naglalaro pa sa San Miguel Beer sa PBA kahit na inilagay na ito sa Intensive Care Unit Oredo(ICU).
Gayunman, idineklara naman ng mga doktor na hindi ito ``brain dead`` at sa halip ay nasa ``guarded state`` lamang.
Sumailalim na rin ito ng ``ice water immersion treatment`` upang matiyak na maging normal ang kanyang `vital organs`.
Bagamat hindi pa nagkakamalay ay pinayagan na ng mga doktor na maiuwi ito sa kanilang bahay at doon na magpagaling.