SUBIC FREEPORT ZONE – Isang Pilipina at ang kanyang asawang Amerikano ang itinampok sa TIME magazine, para sa kanilang humanitarian efforts sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013.
Sina Josephine at Tim Desmond, mataas na opisyal ng isang marine theme park dito, ay itinampok sa “Above & Beyond,’’ isang special multimedia series of stories na kumikiala sa mga karaniwang tao na nakagawa ng hindi pangkaraniwang bagay sa Asia.
Isinulat at iniulat ni Per Liljas ng Time Magazine, isinalaysaysay ng artikulo ang hirap at mga hamon, at kalaunan ay tagumpay ng operasyon na pinamunuan ng kumpanyang Ocean Adventure, na si Tim ay chief executive officer (CEO) na nagresulta upang maibsan ang pagdurusa ng halos 500 pamilya o ng buong populasyon ng Maslog, isang bayan sa Samar.
Si Josephine, na tubong Maslog, ay personal na sumama sa convoy ng mga behikulo sa bayan matapos manalasa ang supertyphoon.
Nang matiyak na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang kanyang pamilya, sinimulan ni Josephine ang relief operations sa pagtayo ng isang base sa bakuran upang mamahagi ng 20 toneladang essential supplies at lifesaving medicines para sa buong bayan.
Nanatili naman sa Subic si Tim at pinamahalaan ang relief efforts, idinokumento ang buong operasyon sa isang blog na ipinaskil online at pinamunuan ang fundraising efforts na ilang beses na nagpabalik-balik sa Maslog.