Ni REY G. PANALIGAN
Isang petisyon laban sa taas-pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) ang ihahain sa Korte Suprema sa Lunes, isang araw makaraang simulan ng gobyerno ang bagong pasahe na P11 sa parehong mass transport na may karagdagang P1 singil sa kada kilometro ng biyahe.
Sinabi kahapon ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary-General Renato Reyes na maghahain ang mga non-government organization ng petisyon para igiit ang isang temporary restraining order (TRO) o anumang injunctive relief mula sa kataas-taasang hukuman.
Naka-recess ang mga mahistrado hanggang sa Enero 9 at magbabalik ang mga session sa Enero 12 para sa mga division at sa Enero 13 ang buong korte.
Gayunman, sa bisa ng mga panuntunan ay hindi maaaring tumugon si Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno sa alinmang urgent petition.
Una nang inihayag ng Department of Transportation and Communications (DoTC) na ipatutupad nito ang taas-pasahe sa LRT 1, LRT 2 at MRT 3 simula sa Linggo, Enero 4.
Sinabi ni Reyes na ang petisyon ay ihahain ng Riles Laan sa Sambayanan (Riles) Network at Train Riders Network (Tren) kasama ang mga grupo ng mga estudyante, empleyado ng gobyerno, health workers, at mga manggagawa.
Iginiit ni Reyes na inabuso ng DoTC ang kapangyarihan nito at nilabag ang mga karapatan ng mga commuter sa pag-apruba sa taas-pasahe.