Kasabay ng pagpasok ng Bagong Taon ay masisilayan na ng publiko ang bagong disenyo ng perang papel. Ito ay matapos magpahayag ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsisimula na ngayong taon ang “demonetization” o pagpapasawalang-bisa sa mga lumang perang papel o ang “New Design Series” (NDS), sa bisa ng Section 57 ng RA 7653 (New Central Bank Act).
Kaugnay nito, ipinaalam ng pamunuan na ang perang NDS ay maaaring gamitin hanggang sa Disyembre 31, 2015, ngunit pagkatapos nito ay wala na itong bisa sa anumang transaksiyon.
Sinabi rin ng BSP na simula sa Enero 1, 2015 hanggang sa Disyembre 31, 2016 ay maaari nang papalitan sa mga bangko ang NDS ng perang “New Generation Currency” (NGC).
Pinaalalahanan din ng pamunuan ang sangay ng pamahalaan na may hawak ng NDS na makipag-ugnayan sa BSP bago lumipas ang araw ng palitan. Halimbawa na lang ang mga pera na gagamiting ebidensiya sa korte.
Samantala, ang mga overseas Filipino (OF) na may NDS ay maaaring magpatala sa online BSP website simula sa Oktubre 1, 2015 hanggang Disyembre 31, 2015.
Pagpasok ng Enero 1, 2017, ang NDS ay “demonetized” na. - Ellaine Dorothy S. Cal