Sasanayin ng Philippine Canoe Kayak Federation (PCKF) sa Hungary ang mga kuwalipikadong miyembro sa canoe sa asam na maiuwi ang pinakamaraming gintong medalyang nakataya sa gaganaping 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Sinabi ni PCKF head coach Len Escollante na isang buwang magsasanay ang national canoe team bilang bahagi ng kanilang huling preparasyon para sa kada dalawang taong torneo.

Pinagbasehan ni Escollante ang kinubrang 77 medalya, kaakibat ang 22 gintong medalya, upang dalhin ang koponan sa Hungary na aniya’y makatutulong ng malaki sa kanila.

“Maraming matututunan at masasabak sa mahuhusay na kalaban ang mga atleta natin doon,” sabi ni Escollante.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Kilalang-kilala ang Hungary sa canoeing at matutulungan nila tayo na maingat pa ang technique ng mga atleta natin sa canoe,” pahayag pa ni Escollante.

Ipadadala ng asosasyon ang limang atleta sa Hungary bago tumulak sa Singapore SEA Games.

Pitong event ang sasalihan ng pambansang koponan sa biennial meet na magbabalik sa Singapore kung saan ay inaasahang makakapagwagi ng ginto sa 1,000 meter doubles, 200-meter single at doubles.

Sasandigan ng koponan sina Hermie Macaranas at Ojay Fuentes na nagpakitang gilas sa kanilang sinalihang mga internasyonal na torneo noong 2014.

Matatandaan na hinablot ng 19-anyos na si Macaranas, na kabilang sa Olympic Solidarity scholar, ang isang pilak sa men’s 500m sa SEA Canoe Sprint Championship sa Singapore habang namayani ang 16-anyos na si Fuentes ng isang tanso sa men’s 200m single.