Inaasahan na ng Cleveland Cavaliers na mawawala sa kanilang hanay si LeBron James sa loob ng susunod na dalawang linggo sanhi ng kanyang left knee at low back strains.
Inanunsiyo ang pinsala ni James noong Huwebes makaraang sumailalim siya sa physical exam, radiographs at ng MRI. Hindi na ito nakita sa aksiyon sa dalawang magkasunod na laro sanhi naman ng sore left knee at naimintis na ang tatlong kabuuang laro ngayong season.
Hindi pa naimimintis ni James ang mahigit sa pitong mga laro sa kahit anumang season.
"It's been hurting pretty much all year," pahayag ni James sa local media. "I've been playing with it. It goes away and comes back."
Si James, 30, ay may average na 25.2 puntos, 7.6 rebounds at 5.3 assists ngayong season. Ang pinaka-consecutive games na ‘di siya nakapaglaro sa kanyang karera ay ang lima noong 2007-08 season sanhi naman ng finger injury.
Nawala na sa hanay ng Cavaliers kamakailan ay ang sentrong si Anderson Varejao na ‘di makapaglalaro sa kabuuan ng season sanhi ng torn Achilles' tendon. Pinagpahinga rin kamakailan sina forwards Kevin Love (back spasms) at Shawn Marion (ankle) sanhi ng injuries.
Ginamit ng Cavaliers sa starting lineup sina guards Kyrie Irving at Matthew Dellavedova, forwards Mike Miller at Tristan Thompson at center Brendan Haywood mula sa 96-80 home loss sa Bucks noong Huwebes.
Umentra ang Cleveland sa season na mayroong championship aspirations sa pagbabalik ni James, dagdag pa si Love, subalit taglay nila sa kasalukuyan sa Eastern Conference ang fifth-best record na 18-14 makaraang mabigo sa kanilang tatlong nakalipas na mga laro. Ginarantiyahan ang Cavaliers ng disabled player exception valued sa halagang ‘di lalagpas sa $5 million dahil na rin sa injury ni Varejao, pinayagan sila para sa potensiyal na palagdain ang isa pang manlalaro.