WALA namang nagsabing lumikas kami bago dumating ang bagyo, wika ng isang taong inabot ng baha ang kanilang lugar. Maaring totoo ang reklamong ito, dahil wala namang naiulat na paghahanda ang ating gobyerno lalo na ang NDRRMC sa pagdating ni Seniang. Kung mayroon man, hindi publikong ipinaalam ito upang makarating sa kinauukulan. Hindi gaya ng bagyong Ruby na lahat ng ahensiya ng gobyerno, maliban sa ahensiyang pinamumunuan ni Ping Lacson, ay nagpulong sa harap ni Pangulong Noynoy dalawang araw bago ito inaasahang manalasa para masiguro ang kahandaan ng gobyerno na mapangalagaan ang kapakanan ng mamamayan.

Pero hindi mo maiaalis na mangyari ito. Una, supertypoon noon kasing papasok itong si Ruby, ayon sa PAGASA. Nadalâ na tayo sa ating naranasan sa napakalakas na bagyong Yolanda, kaya ganoon na lang ang paghahanda natin sa pagdating ni Ruby. Kabaligtaran naman kasi ang forecast kay Seniang. Ayon sa PAGASA, mababa ang posibilidad na maging bagyo ito. Ang problema, ayon na rin sa PAGASA, lumakas ito at naging bagyo nang papasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR), kaya lang hindi gaanong malakas. Marami lang daw karga itong tubig. Ikalawa, dahil na rin sa holiday season na ang lahat ay abala sa pagsalubong sa bagong taon, hindi na gaanong pinansin ng mga nasa gobyerno ang pagdating ni Seniang, hindi gaya ng kanilang ginawa kay Ruby.

Kung ano ang gobyerno noong si Yolanda ang manalasa, ganoon din ang gobyerno nang manalasa na si Seniang. Wala itong proteksyong ibinigay sa mga mamamayan, o kung mayroon man hindi gaya ng ginawa nito nang paghandaan niya si Ruby. Ang gobyerno ng taumbayan at para sa kanila ay walang pinipiling panahon para paglingkuran sila. Lagi itong handa para tulungan at proteksyunan ang kanyang mamamayan laban sa lahat ng panganib. Ke Yolanda, Ruby o Seniang dapat ay laging handa ito maliban na lamang kung ito ay gobyerno ng iilan na kapakanan lang nila ang inuuna.
National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras