Ilang dekada matapos samsamin ng gobyerno ang mga ninakaw na yaman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, isasapubliko na ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang listahan ng mahigit P168-bilyon ari-arian na nabawi nito simula nang itatag ang PCGG noong 1986.

Ayon kay PCGG Chairman Atty. Andres Bautista, ang pagsasapubliko ng mga remittance ng PCGG sa National Treasury mula sa nabawi at naibentang ari-arian ni Marcos ng gobyerno ay bahagi ng prinsipyong transparency at accountability ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

“Nais naming mailathala ang remittance upang maipakita sa publiko kung saan napunta ang pera. Nais naming ipakita ang kuwentahan sa remittance para sa kaalaman ng mga mamamayan,” ayon kay Bautista.

Ito ang unang pagkakataon na isasapubliko ang kumpletong listahan ng mga ibinentang asset ng mga Marcos at ito ay ilalathala sa unang tatlong buwan ng 2015.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matatandaan na itinatag ang PCGG ni noo’y Pangulong Corazon Cojuangco Aquino upang habulin at bawiin ang mga nakaw na yaman ng mga Marcos matapos ang February 1986 People’s Power Revolution.

Ang kikitain sa pagbebenta ng mga ill-gotten wealth ng pamilya Marcos ay inilalaan sa pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Aminado naman si Bautista na hindi mandato ng PCGG na i-monitor ang paglalaan ng pondo sa CARP sa bilyong halaga ng remittance mula sa recovered Marcos asset dahil ito ay trabaho na ng Department of Budget and Management o Department of Agrarian Reform. - Kris Bayos