SA kabila ng kumalat na balita na ang asawang si dating Sen. Loi Estrada ang iiendorsong susunod na alkalde ng siyudad ng Manila ni Mayor Joseph Estrada ay very confident si Vice Mayor Isko Moreno na sa kanya pa rin iiwanan ni dating Pangulong Erap ang pamamahala sa siyudad.
Sabi ni VM Isko nang makausap namin sa opisina niya sa City Hall ay “kuwentong barbero” lang ang kumakalat na balita at maaaring gawa-gawa lang ito ng mga taong walang ibang intensiyon kundi sirain ang magandang samahan nila ni Mayor Erap.
Dagdag pa ni Isko, na presidente rin ng Vice Mayor’s League of the Philippines, kung sakaling gusto pa rin ni Erap na ipagpatuloy ang panunungkulan bilang alkalde ng siyudad ay more than willing siya na ipagpaliban ang kanyang matagal nang pangarap na maging mayor ng Maynila.
“Si Pangulong Mayor Erap, eh, maraming mga nagawa na at marami pang gustong gawin para sa mga constituents namin dito sa Manila, kaya kung gusto pa rin niyang tumakbo bilang mayor ng Manila, eh, dalawang kamay at willing akong mag-give way para sa kanya,” sey ni VM Isko.
Sey pa ng guwapong aktor/politician na on his last term na bilang vice mayor ay pupuwede pa rin naman siyang tumakbo para konsehal, congressman o maging isang senador sa 2016 kung magdesisyon nga si Erap na ipagpatuloy ang pagiging meyor ng Maynila.
“But definitely, I will run in the coming 2016 elections,” sey pa ni Isko.
Samantala, tungkol naman sa kanyang buhay pamilya, ipinagmalaki ni VM Isko na buung-buo ang pamilya niya kaya walang katotohanan ang tsismis na hiwalay na raw sila ng kanyang asawa.