SI dating Iglesia ni Cristo (INC) Executive Minister Eraño G. Manalo, na nakagiliwang tawaging “Ka Erdie” ay ginugunita sa kanyang ika-90 kaarawan ngayong Enero 2. Pinamunuan niya ang INC sa loob ng 46 taon, itinalaga ang kanyang buhay sa kapakanan nito, sa pagpapalaganap at pagpapalawak, sa tayog at mga kaanib, sa Pilipinas at sa buong mundo. Mula sa kakaunting tagasunod, ang INC ngayon, pagkalipas ng sandaang taon, ay milyun-milyon na ang miyembro sa bansa at sa buong daigdig. May 97 ecclesiastical district sa Pilipinas ang INC at 21 kongregasyon ng pagsamba sa 102 bansa.
Ang INC churches ay itinayo sa ilalim ng liderato ni Ka Erdie, kabilang ang kahanga-hangang main complex sa Commonwealth Avenue, na may 7,000-seat Templo Central, multipurpose Tabernacle, at New Era University. Pinasimulan niya ang konstruksiyon ng eleganteng 55,000-seat domed arena, na tinapos ng sumunod sa kanya, ang kanyang pinakamatandang anak na lalaki, si Executive Minister Bro. Eduardo V. Manalo, at pinasinayaan noong Hulyo 27, 2014, para sa milyaheng INC centennial celebration.
Naging Executive Minister si Ka Erdie noong Abril 23, 1963, 11 araw matapos pumanaw ang kanyang ama, ang INC founder na si Bro. Felix Y. Manalo. Una rito, siya ang General Treasurer ng INC at District Minister ng Manila noong 1957. Bilang Executive Minister, pinasimulan niya ang mga reporma upang ilapit ang INC sa mga pangangailangan ng maralita. Nagtatag siya ng model resettlement farms, una rito ang Maligaya farm sa Palayan City, Nueva Ecija, noong 1965, at kalaunang inulit sa Cavite, Laguna, Rizal, at iba pang probinsiya.
Ang unang overseas INC mission ay ipinadala noong Hulyo 27, 1968, sa ika-54 anibersaryo nito sa Honolulu, Hawaii, kung saan pinamunuan niya ang unang worship service. Mas maraming kongregasyon pa ang itinatag sa anim na kontinente. Sinimulan ng INC ang radio station nito noong 1969, samantalang ang unang television program ay iniere noong 1983. Ang kanyang mga aklat tungkol sa pangunahing na paniniwala ng simbahan – ang Mabuting Kawal ni Cristo at ang Salita ng Diyos: Ang Tanging Lunas – ay ginamit ng INC bilang gabay para sa Gospel ministers at sa pangangaral sa mga miyembro. Isinulat niya ang opisyal na INC marriage rite, unang ipinatupad sa kasal ng kanyang panganay na anak na lalaki.
Si Ka Erdie ang panlimang anak nina Bro. Felix at Sis. Honorata De Guzman Manalo. Ang kanyang pangalan ay halaw sa “New Era” sapagkat isinilang siya pagkatapos ng New Year’s Day. Sa kanyang kabataan, binasa niya ang Biblia kasama ng kanyang ama. Mahusay siyang magtalumpati at debatista. Nangarap siyang maging abogado, ngunit kailangang isuko niya iyon upang umanib sa ministeryo. Inordinahan siyang minister noong Mayo 10, 1947 sa edad na 22. Pumanaw siya noong Agosto 31, 2009 at nag-iwan ng pamanang kasiglahan at tunay na paglilingkod sa Diyos, sa bayan, at sa sangkatauhan.