May observer man o wala sa Philippine Olympic Committee (POC), hindi na mapipigilan ang pinakahihintay na demokratikong eleksiyon para hinihiling na pagsasa-ayon ng pinag-aagawang liderato ng Philippine Volleyball Federation (PVF) sa Enero 9.
Orihinal na itinakda ang eleksiyon noong Disyembre 2014 subalit inilipat na lamang sa ikalawang linggo ng Enero 2015 dahil sa kinailangang asikasuhin ng itinalagang opisyales sa interim board ang mga dokumentong hinihingi ng POC para makamit ang permiso sa pagsasagawa ng eleksiyon.
Gayunman, nauna nang nagpasabi ang POC, partikular si Vice-president at Membership Committee chairman Jose Romasanta na hindi nito kikilalanin ang eleksiyong isasagawa ng PVF dahil sa kasalukuyang pag-aagawan sa liderato at pagkakaroon ng dalawang rehistrasyon sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Ito ay matapos na lumutang ang dating mga opisyal ng asosasyon na sina Gerardo “Boy” Cantada, kasama ang nasa indefinite leave na dating pangulo na si Gener Dungo, upang kunin ang pamamahala sa unti-unti nang bumabangon na asosasyon.
Ipinaliwanag ng itinalagang PVF secretary general na si Dr. Rustico “Otie” Camangian na kanilang napag-alaman, matapos ang naganap na pagbibitiw ni Dungo sa puwesto, na “revoked” na ang rehistrasyon ng grupo noong 2005 kung kaya inasikaso nila na makakuha ng bagong rehistrasyon noong 2013.
“We presented everything sa SEC including the decision of the PVF creating an interim board. Puwede naman nila itanong sa SEC kung kinukuwestiyon nila ang current registration ng asosasyon,” pahayag ni Camangian.
Dagdag na kontrobersiya pa sa asosasyon ang biglaang pagbuo ng POC ng 5-man committee na hahawak sa lahat ng aktibidad ng asosasyon habang hindi naisasakatuparan ang isang lehitimong eleksiyon na may basbas din ng pribadong organisasyon.
Binubuo naman ni Romasanta ang 5-man committee bilang chairman kasama ang dating volleyball player na si Mozzy Ravena, ang POC legal counsel na si Atty. Ramon Malinao, Ateneo board representative at V-League organizer Ricky Palou at si Chippy Espiritu na kasama sa working group sa Singapore SEA Games Task Force.
Una nang nagbitiw si Ramon “Tats” Suzara, na opisyal ng FIVB at AVC, bilang miyembro ng 5-man board.
Ipinag-utos din ni Romasanta ang agad na pagbuo ng pinakamalakas na koponan sa Women’s Under 23 national team na gagabayan nina Roger Gorayeb at Sammy Acaylar habang isinasantabi muna ng komite ang pagresolba sa liderato ng PVF.
Isasagupa ang koponan para sa 1st AVC U-23 Championship na gagawin sa Pilipinas sa Mayo 1-6.