Maghihintay pa ng konting panahon ang mga empleyado sa Metro Manila para sa panibagong wage increase matapos aminin ng Department of Labor and Employment (DoLE) na hindi pa nito nakukumpleto ang ano mang pagdinig sa petisyon sa dagdag-suweldo sa rehiyon.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng DoLE na hindi pa nakukumpleto ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB)-National Capital Region ang konsultasyon sa iba’t ibang sektor sa para madesisyunan ang bagong wage order.
Sa ilalim ng wage rules, maaari lang itaas ng RTWPB ang minimum wage rate sa hurisdiksiyon nito isang taon matapos ipatupad ang huling wage hike na dinesisyunan nito.
Sa Metro Manila, ang huling wage adjustment ay ipinatupad noong Oktubre 4, 2013, na nagpatupad ng P10 dagdag sahod sa NCR at integrated FernandezP30 cost-of-living allowance.
Sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na tanging ang mga RTWPB sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas, Davao, Socsargen at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang nakapag-apruba ng bagong wage hike para sa 2014.
“Ang ibang Regional Tripartite Wage and Productivity Board ay nasa iba’t ibang antas na ng pagsusuri ng mga socio-economic condition at nagsasagawa ng konsultasyon sa iba’t ibang sektor na magiging basehan ng kanilang desisyon upang i-adjust ang minimum wage,” paliwanag ni Baldoz.
Sa isang text message, sinabi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na hindi nito isinusulong ang panibagong wage hike sa Metro Manila. - Samuel P. Medenilla