Nabawasan ang taong nasugatan sa paputok at ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon kahapon, ayon sa Department of Health (DoH).
Sa kabila nito, tumaas naman ang bilang ng mga naputulan ng bahagi ng katawan dahil sa paputok.
Ayon sa DoH, pumalo sa 351 ang naitalang firework-related injury mula Disyembre 21 hanggang umaga kahapon, Enero 1, 2015.
Mas mababa naman ito ng 39 porsiyento kumpara sa 578 na naitala sa parehong panahon ng 2013.
Nabatid na sa 351 biktima, 346 ang nasugatan dahil sa iba’t ibang klase ng paputok habang dalawa ang nakalulon ng paputok. Piccolo pa rin ang nangungunang dahilan ng pinsala, kasunod ang kuwitis, luces at five-star.
Pinakamaraming nabiktima sa Metro Manila, partikular sa Maynila, Pasig at Quezon City.
Tatlo naman ang tinamaan ng ligaw na bala sa pagtatapos ng 2014, na mas mababa rin kumpara sa 11 biktima ng stray bullets noong nakaraang taon.
Gayunman, tumaas ng 75 porsiyento ang amputation o mga biktimang naputulan ng bahagi ng katawan dahil sa paputok. Kabilang sa mga naputulan ay 14 na lalaki, na ang pinakabata ay limang taong gulang lamang.