Magpapatupad ng big-time price rollback sa liquefied petroleum gas (LPG) ang Petron Corporation ngayong Biyernes ng madaling araw.
Sa pahayag kahapon ng Petron, epektibo dakong 12:01 ng madaling araw ng Enero 2 ay magtatapyas ito ng P5.50 sa presyo ng kada kilo ng Gasul at Fiesta Gas o katumbas ng P60.50 sa bawat 11-kilogram na tangke.
Bukod sa cooking gas, nagkaltas din ito ng P3.44 sa kada litro ng auto-LPG.
Asahan ang pagsunod ng ibang kumpanya sa ipinatupad na bawas-presyo sa LPG kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito kahapon.
Ang bagong price rollback ay bunsod ng patuloy na pagbaba ng presyo ng LPG sa pandaigdigang pamilihan.
Noong Disyembre 1, nagbaba ang Petron ng P1.20 sa presyo ng Gasul at Fiesta Gas katumbas ng P13.20 na kaltas sa regular na tangke.