Ni GENALYN D. KABILING

Hindi lang target shooting ang paboritong palipas-oras ni Pangulong Benigno S. Aquino III. Mahilig din ang 54- anyos na binata sa pagkanta ng kanyang mga paboritong awitin.

Sa isang teaser clip matapos niyang paunlakan ang programang “Gandang Gabi Vice” sa ABS-CBN television, nagbigay ng sampol ang Pangulo sa kanyang talento nang awitin niya ang ilang linya mula sa “Estudyante Blues.”

Nag-aatubili si Aquino na sagutin ang katanungan ni Vice Ganda sa kanyang pag-awit subalit kalaunan ay bumigay din ito sa pangungulit ng komedyante.

Generals nag-walk out daw sa isang command conference; AFP, nagsalita na

“Mahilig po ba kayong kumanta?” tanong ng TV host sa Punong Ehekutibo na nakasuot ng itim na jacket at pulang polo shirt.

Ayon sa ABS-CBN, ipalalabas ang episode ng “Gandang Gabi Vice” kasama si PNoy sa Lunes, Enero 4.

Sa mas relax na tono at habang nakangiti, sumagot si PNoy kay Vice Ganda: “Lalo na kung mag-isa.”

Si Jose Marie Viceral sa tunay na buhay, hinamon din ni Vice Ganda si PNoy na kantahin ang isang awitin ni Freddie Aguilar na agad na kinagat ng Pangulo.

“Ako ang nakikita, ako ang nasisisi, ako ang laging may kasalanan,” bitaw ni Aquino sa mababa, subalit nakaaakit na tono.

Mula sa pag-awit, kumambiyo ang usapan ng dalawa sa isyu ng pag-big.

Nang tanungin kung paano ang naging takbo ng kanyang pagkakaugnay sa celebrity/stylist na si Liz Uy, sagot ni PNoy: “Successful.”

Nang muling kulitin ni Vice Ganda kung gaano ka-successful, umatras na si PNoy at tumangging magbigay ng komento.