Apat na pulis ang nahaharap ngayon sa pagkakasibak sa serbisyo matapos maaktuhang nagpapaputok ng baril sa kasagsagan ng selebrasyon ng Bagong Taon.

Kasabay nito, kakanselahin din ng Philippine National Police (PNP) ang lisensiya ng tatlong security guard na naaresto sa ilegal na pagpapaputok ng baril at sasampahan din ng kasong kriminal, ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Wilben Mayor.

Tumanggi si Mayor na pangalanan ang apat na pulis subalit sinabi nito na dalawa ay nakatalaga sa Metro Manila habang ang dalawang iba pa ay mula CALABARZON at Southern Mindanao.

“Sasampahan sila ng kasong administratibo na may maximum penalty na pagkakasibak sa serbisyo bukod sa kasong kriminal na ihahain laban sa kanila,” pahayag ni Mayor.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Noong Disyembre 22, ipinag-utos ng liderato ng PNP ang pagseselyo sa nguso ng mga service firearm ng 150,000 tauhan nito upang maiwasan ang ilegal na pagpapaputok ng kanilang armas sa pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.

Ikinababahala na ng gobyerno ang pagdami ng biktima ng ligaw na bala na nagmula sa ilegal na pagpapaputok ng baril.

Base sa huling datos ng PNP, umabot na sa 15 ang kaso ng illegal discharge of firearms sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na 10 katao ang naaresto—apat na pulis, tatlong security guard at tatlong sibilyan.

Umabot na rin sa 19 ang kaso ng stray bullet na naitala simula Disyembre 16 hanggang Enero 1 bilang patunay na marami pa ring nagpapaputok ng baril na hindi natutukoy at naaaresto ng awtoridad. - Aaron Recuenco