"VERY little is needed to make a happy life; it is all within yourself, in your way of thinking.” - Marcus Aurelius Antoninus
Sa sinabing ito ni Marcus Aurelius Antoninus (Roman Emperor, 161-180 AD), inaanyayahan kitang subukan ang ilang paraang ito upang lumikha ng mas masayang 2015:
- Gawin mong BFF (best friend forever) ang iyong sarili. - Maging masaya ka kahit nag-iisa. Yakapin mo ang lahat ng bagay tungkol sa iyo. Walang kaduda-duda na ito ang pinakamahalagang hakbang tungo sa pagiging masayahin.
- Ngumiti, humalakhak, at humagikhik! - Nagpapaka-wala serotonin sa utak ang pagngiti. Sabi ng mga expert, ang pagtawa ay nagbibigay ng oxygen sa utak. Agad na nagpapagaan ng pakiramdam ang pagtawa at nagpapaganda ng mood.
- Mangarap ka sa bawat aspeto ng iyong buhay. - Pakilusin mo ang iyong buhay (huwag kang parang halaman o dekorasyon sa bahay) at ipakita mo sa iyong mga mahal sa buhay ang iyong damdamin.
- Magkulong sa kuwarto, isara ang pinto at mga bintana. – Patugtugin mo nang malakas ang paborito mong kanta at sabayan ito ng sayaw! Hala, bira! Birit na!
- Sumubok ng mga putahe. – Surpresahin mo ang iyong pamilya; magluto ng naiibang ulam. Namnamin mo ito, kagatin, nguyain, lunukin…
- Maghintay ng milagro. – Paniwalaan mong may mangyayaring maganda sa iyo ngayong taon! Handa na ang Kalangitan na magpaulan ng mga blessing sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay.
- Manalangin. - Ayon sa pananaliksik, ang mga madasalin ay mas masaya at mas malusog kaysa hindi nagdadasal.