Humina na rin ang Bagyong Seniang matapos hagupitin ang Visayas at Mindanao.
Sa inilabas na weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), naging tropical depression na lamang si ‘Seniang ‘at taglay ang lakas ng hanging 55 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna.
Huli itong namataan sa layong 245 kilometro Timog-Timog Silangan ng Cuyo, Palawan at kumikilos pa-Kanluran-Timog Kanluran sa bilis na 13 kph.
Sa pagtaya ng PAGASA, posibleng lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo bukas (Biyernes).
Samantala, umabot na sa 59 katao ang namatay sa pananalasa ng Bagyong Seniang sa bansa, iniulat kahapon ng umaga ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC). Ang mga namatay ay nagmula sa mga Rehiyon VI, VIII, X, XI, at CARAGA.
Ayon sa NDRRMC, patuloy ang rescue at retrieval operation sa gumuhong lupa sa Ronda, Cebu sa kabila ng nawalan ng supply ng kuryente at hinahanap pa rin ang anim na nawalala sa lalawigang ito.
Isinailalim na sa state of calamity ang probinsiya ng Bohol at ang bayan ng Ronda, Cebu.
Sa report mula sa NDRRMC na nakabase sa Leyte, kalunos–lunos ang sinapit ng isang pamilya sa Barangay Cabuynan sa bayan ng Tanauan nang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang tahanan sa kasagsagan ng Bagyong Seniang na ikinasawi ng limang miyembro ng pamilya.
Sa bahagi ng Samar, nagkaroon ng landslide sa apat na barangay ng Catbalogan City. Natabunan ng lupa ang dalawang pampasaherong van na dumaraan sa Maharlika Highway. - Jun Fabon at Rommel P. Tabbad