Habang sinusulat ko ang artikulong ito, 105 na ang nadadale ng paputok, sabay 8 ang sapol sa ligaw na bala. Paalam sa 2014, at maligayang pagdating naman sa 2015 ng may pag-asa, kahit batid natin, lumipas lang ilang araw ng pagsasaya, mamaluktot muli tayo sa igsi ng kumot. Makukuba na naman tayo sa balon ng pahirap sa paghahanap-buhay.
Sa kasalukuyan, hindi uli magkamayaw ang ating mga kababayan kung saan at papaano haharapin ang 2015. Duda ko, andyan ang kagawiang dayuhan na dapat mamili ng mga prutas na hugis pera para daw swertehin sa susunod na taon. Ganoon? Tingin ko, ang sinuswerte sa ganitong siste ay ang mangangalakal dahil lahat ng raket, pati pananamit sinusuyod na kelangan ilako at kuno may elemento ng hugis kaperahan para suwerte. Habang ang paputok na may kontra kampanya ang DOH, ay tinututulan din ng Philippine Pyrotechnics dahil sila daw ang apektado sa pagbaba ng mga mamimili.
Subalit ang ayaw din aminin ng naturang grupo ay ang industriya ng paputok ay tinaguriang “seasonal”, o may panahon lang na tinatangi. Ibig sabihin, ano ang ginagawa ng mga pagawaan ng pyrotechnics kung hindi Pasko at Bagong Taon? Sigurado ako, may iba silang pinagkakakitaan upang mabuhay. Pangalawa, halos 80% ng mga paputok sa merkado ay galing China. Ibig sabihin “smuggled”. Ang tunay na nakikinabang sa bentahan ng mga paputok ay ang China at hindi ang lokal na manggagawa o mamumuhunan. Pangatlo, hindi pa rin masawata ang mga iligal na paputok na animo dinamita na ang pasabog. Kaya isa ako sa mga tumutulak na dapat ipagbawal ang pagbebenta ng paputok sa pangkaraniwang tao. Huwag na banggitin na mausok at masama sa baga ng mga bata at sa kapiligiran. Andyan pa, na sadyang sabay pinuputok ang baril at pinapalipad ang mga ligaw na bala ng mga paputok para hindi mabisto ng mga kapit-bahay. Pabor ako na taasan ang parusa sa batas ng mga paglabag ng hal. iligal discharge of weapon, ipinagbabawal na rebintador atbp. Dapat tanging mga Munisipyo, Kapitolyo ang maaaring bumili ng paputok tuwing anibersaryo, pagdiriwang, atbp. bilang fireworks display lang na kailangan malayo sa manonood o populasyon.
Maligayang 2015 Pilipinas!