Punumpuno ng kulay ang 2014 para sa Philippine sports na binalot ng magkahalong tagumpay at kabiguan at kinakitaan din ng pagsibol ng ilang bagong bayani sa larangan.

At bago tuluyang mamaalam ang taon, tayo ng magbalik-tanaw sa ilang mga pangyayaring tiyak na matatanim sa isipan ng Pinoy sports fans.

Sinimulan ng ice skater na si Michael Martinez ang mga magagandang kaganapan para sa Philippine sports nang maging unang Southeast Asian na makalahok sa Winter Olympics noong Pebrero 13.

Nag-qualify ang 18-anyos na Pinoy sa Winter Olympics sa Sochi, Russia nang magwagi siya sa Nebelhorn Trophy noong 2013.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tumapos siyang pang-19 sa hanay ng may 29 na figure skater upang makausad sa free skate kung saan naging 19th placer din sya overall matapos makatipon ng 184.75 puntos ngunit sa kabila noon ay pinahanga niya ang buong mundo sa kanyang ipinakitang performance matapos siyang magsagawa ng Biellmann spin na pangkaraniwang ginagawa lamang ng isang babaeng skater.

Dito naman sa bansa, umugit ng kanilang espasyo sa aklat ng kasaysayan ng Philippine basketball ang San Mig Coffee MIxers nang kanilang gapiin ang Rain or Shine Elasto Painters para sa kampeonato ng 39th season Governors Cup at makumpleto ang isang makasaysayang grandslam sa Philippine Basketball Association.

Humanay ang Mixers sa Crispa Redmanizers at Alaska Aces bilang mga koponang nakapagwagi ng tatlong sunod na conferences sa isang season.

Katunayan, ang panalo ang ikaapat na sunod na kampeonato ng Mixers dahil sila rin ang kampeon ng sinundang Governors Cup noong nakalipas na taon.

Matapos nilang maangkin ang titulo ng Commissioners Cup, kung saan tinalo nila ang Talk `N Text, nagsimula nang pag-usapan ang posibleng pagga-grandslam ng Mixers na bumalikwas mula sa malamyang panimula sa huling conference hanggang sa makabalik at umabot ng finals kung saan tinalo nila ang Elasto Painters sa do-or-die Game Five para tuluyang makamit ang minimithing grandslam championship.

Dahil naman sa panalo, tinanghal si coach Tim Cone hindi lamang bilang winningest coach sa liga na may 18 titulo kundi maging unang coach na nakapagpa-grandslam ng dalawang beses, kasunod ng nauna niyang grandslam bilang coach ng Alaska noong 1996.