Isang araw bago ang pagsalubong ng Bagong Taon, tumaas na at posible pang dumoble ang presyo ng mga bilog na prutas na inihahanda sa hapag-kainan bilang pampasuwerte na nabibili ngayon sa Divisoria sa lungsod ng Maynila at Baclaran sa Parañaque City.
Hindi na mahulugang-karayom sa dami ng mga mamimili sa Divisoria na kahit nagmahal ay patuloy na dinudumog ang iba’t ibang prutas na ibinibenta rito.
Umabot na sa P160 ang presyo ng kada kilo ng seedless grapes, ponkan-P50 sa bawat pitong piraso mansanas at peras sa P50 kada apat piraso, kiat-kiat (P40/net), lanzones (P200),bayabas-P20 /isa, orange (P50/3pcs), melon-P35, pakwan-P70, chico-P60 at dalandan-P40.
Sa tuwing sumasapit ang Bagong Taon nagtataas ang presyo ng mga prutas at iba pang handa sa Media Noche dahil mataas ang demand at kuha sa mga supplier ng mga negosyante bunsod pa rin sa port congestion.
Samantala mas mataas naman ang bentahan ng mga bilog na prutas sa Baclaran at mabibili sa P240 kada kilo ang seedless grapes (ubas), atis-P200, kiat-kiat-P100, maliit na limang pirasong mansanas-P50, pitong pirasong ponkan-P50, suha-P100, chico-P70, melon-P35, bayabas-P70 kada kilo at dalandan–P35/k.
Dahil pampasuwerte umano ang mga bilog na prutas, hindi na nagdadalawang-isip ang maraming mamimili na maglabas ng pera para lamang magkaroon nito sa kanilang hapag-kainan ngayong Bagong taon.