Mamayang hatinggabi, sasalubungin na ng buong bansa ang Bagong Taon 2015 sa karaniwang kasiyahan at sa pinakamaiingay at pinakamalalakas na paputok. Lahat ng kaugnay ng paniniwala na kailangang salubungin ang bagong taon nang may sigasig at kagalakan at ang lumang taon, kasama ang lahat ng problemang taglay nito, ay kailangang pasabugan nang mawala nang tuluyan.
Bukas, mababasa sa mga pahayagan ang may ilang daang sugatan dahil sa paputok sa buong bansa, kasama na ang mga sunog dulot ng ligaw na kuwitis, na may batang tinamaan ng ligaw na bala. Ito ang nangyayari deka-dekada na. At ito rin ang mangyayari ngayong taon – kung hindi maaabot ng kampanya para sa lagtas na pagsalubong ng Bagong Taon sa mas marami nating kababayan nang makalikha ng pagkakaiba.
Ipinagbawal ng Philippine National Police ang mga paputok na nagtataglay ng sobrang eksplosibo, tulad ng bagong “Crying Bading” na posibleng halaw na isang balita kamakailan, tulad din ng “Napoles” na pumasok sa merkado noong nakaraang taon dahil sa pork barrel scam.
Araw-araw na nag-iisyu ang Department of Health ng ulat hinggil sa firecraker injuries bunsod ng malaking pagdiriwang mamayang hatinggabi. Isang malaking mayorya ng mga sugatan – 67 porsiyento – ay lumalabas na biktima ng isang imported na paputok, ang “Piccolo” na sinisindihan gamit ng posporo. Isa itong babala para sa lahat, maliban na lamang kung nais nilang mapabilang sa statistics bukas ng umaga.
Hindi lahat ng injury ay dulot ng mga paputok. Naospital ang isang bata dahil nakakain ng pulbura, na napagkalaman ang kaakit-akit na pabalat nito na parang kendi. Ilang taon na ang nakararaan, ang “Watusi” ang dahilan ng pagkakaospital ng maraming bata.
May iba pang paraan upang pasabugan ang lumang taon at salubungin ang bago, tulad na lamang ng makukulay torotot, busina ng sasakyan, malalakas na volume ng radyo, paghahampas ng mga kaserola. Sa ilang probinsiya, mayroon pa ring mga kanyong gawa sa kawayan na ginagamitan ng kalburo upang lumikha ng malakas na ingay.
Ngunit malalim ang pagkakahabi ng kultura ng paputok sa bansang ito na magpapatuloy pa rin mamayang gabi, walang habas na pagpapasabog habang lumalalim ang gabi, at pagkatapos aabot sa rurok ng kalakasan pagsapit ng hatinggabi. Aasa na lamang tayo – at maaari rin namang umapela – na mag-iingat ang lahat upang hindi mapahamak ang sarili at ang iba.