Mismong Commission on Audit (COA) ang nakasilip ng mga alingasngas sa implementasyon ng multi-billion-peso anti-poverty program ng administrasyon ni Presidente Aquino – ang Conditional Cash Transfer (CCT) na lalong kilala bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Dahil dito, hindi pumaltos ang sapantaha na ang CCT ay hindi naging epektibo sa paglutas ng lalong tumitinding problema sa kagutuman. Bagkus, ito ay nabahiran pa ng nakadidismayang diskriminasyon sa pamamahagi ng financial doleouts o tulong na salapi sa karapat-dapat na mga maralitang pamilya.
Sa mga naunang audit examination report ng COA hinggil sa pagpapatupad ng naturang programa, lumitaw na ang DSWD ay nagpalabas ng P429.5 milyon mula sa CCT funds para sa 240,321 pamilya na ang mga pangalan ay wala sa opisyal na talaan ng mga benepisyaryo. Sa isa pang audit report, nalantad din na ang duplikasyon o doble-dobleng pangalan sa payrolls ng household recipients na dapat ay pawang mula sa mga dukhang pamilya.
Ang mga pangyayaring ito ay ilan lamang sa CCT funds na sinasabing nailaan sa pinagdududahang listahan ng mga dapat makatanggap ng financial dole-outs. Ito rin ang dahilan ng kabi-kabilang kahilingan na tanggalin na sa pambansang budget ang bilyun-bilyong pisong CCT funds na ngayon ay lalo pang dinagdagan at umabot na sa halos 70 billion. Nagbunsod din ito sa ilang mambabatas upang hilingin na rin ang pagbibitiw ni DSWD Secretary Dinky Soliman – isang bagay na tila imposibleng mangyari.
Sa halip, minarapat namang magpaliwanag ni Soliman sa pagbibigay-diin na hindi kumpleto ang audit report ng COA. Ibig sabihin, kailangan pang alamin kung ang nabanggit na malaking pondo ay naiukol nga sa dapat paglaanan; at kung naibalik naman sa kaban ng bayan ang hindi nagamit na CCT funds.
Alin kaya ang kapani-paniwala – ang DSWD o ang COA na tagasuri ng salapi ng pamahalaan?