Nang itatag namin ang Kabataang Makabayan (KM), ang idolo namin at modelo sa liderato ay si Andres Bonifacio. Hindi lang katapangan ang kanyang katangian. Kahit galing sa dukhang pamilya at hindi gaanong nakapagaral, malalim ang kanyang pinagkukunan. Palabasa siya na katangiang dapat sanang maging bahagi ng buhay nating mga Pilipino lalo na ang kabataan. Katunayan nga, iyong hindi siya nakapag-aral ay ginawang isyu laban sa kanya nang inihahalal na ng mga rebolusyonaryo ang mamamahala ng ating unang gobyerno.
Isyu ito nang tumakbong pangulo at inulit ang isyung ito nang inilalagay na siya sa Department of Interior. Nang tanggihan siya sa posisyong ito ng grupo ni Emilio Aguinaldo na siyang nakararami sa pulong, ideneklara niyang walang bisa ang halalan at hindi siya pasasakop dito. Naging dahilan ito ng kanyang kamatayan dahil ang grupong nagnanais siyang pailalim dito ang pumatay sa kanya. May mga dahilan sila, pero sa aming taga-KM hindi makatwiran ang mga ito.
Pero, salat man si Bonifacio sa edukasyon, ang pagiging palabasa niya ang naglaman sa kanyang isipan ng katalinuhan at pumuno sa kanyang puso ng nag-aalab na pagibig sa kanyang bayan at kapwa. Hindi siya dito tumigil. Inilagay niya sa aksyon ang lahat ng ito sukdulang ikasawi niya. Pinamunuan niya ang pag-aalsa laban sa mga mananakop at ang rebolusyong kanyang sinimulan. Ang pinakamasakit nga lang ay nasawi siya hindi sa kamay ng kaaway kundi sa kamay ng kapwa niya Pilipino.
Best Picture ang pelikula tungkol kay Bonifacio sa kanyang mga nakatagisan sa pagdiriwang ng Pista ng Pelikulang Pilipino sa pamamahala ng Metropolitan Manila Film Festival (MMFF). Maging anuman ang batayan ng pagpili sa pinakamagandang pelikula, nararapat lamang na ang pelikulang Bonifacio ang dapat manguna. Ang pamagat lang nito na “Andres Bonifacio, Ang Unang Pangulo” ay pangunahin nang dahilan. Itinuwid nito ang kasaysayan. Hindi maganda na patuloy nating titingalain siyang bayani, pero ang pumatay sa kanya ang tumatanggap ng ating parangal. Ang lahat ng parangal ay kay Bonifacio dahil sa kabila ng kanyang karukhaan naitaguyod niya ang rebolusyon laban sa pang-aabuso. Sa panahon natin ngayon, isang kagaya niya ang higit nating kailangan. Ang kanyang buhay ay kapupulutan ng aral ng mga tulad niyang nagmamahal sa bayan at kapwa. Bukod dito, ang sistema ng katiwalian sa gobyerno ay mahirap nang baklasin kundi ng mga taong kauri niya.