Nagagalak akong batiin ng maligayang taon, o mas tamang sabihin, maliligayang taon, ang aking mga kababayan dahil naniniwala ako na bibilis ang takbo ng ekonomiya sa susunod na dalawang taon, matapos ang pagbagal nito noong 2014. Sa kabila ng pagbagal ng ekonomiya, isang magandang pangyayari ang pagbagsak ng presyo ng gasolina at iba pang produkto ng langis, na nakakaapekto sa lahat ng mamamayan.

Gaya ng naipaliwanag ko noong nakaraang linggo, isang magandang pagkakataon ang pagbaba ng presyo ng langis upang madulutan ng ginhawa ang mga maralita. Wala pa man ang opisyal na ulat ukol sa ekonomiya noong isang taon, inaasahan na ng lahat na mas mabagal ang paglago nito kung ihahambing sa 7.2 porsyento na naitala noong 2013. Dahil dito, mas mabuting pagtuunan natin ng pansin ang 2015 at 2016. Isa sa mga pangyayari na magpapasigla sa kabuhayan ng bansa ay ang paggasta na may kaugnayan sa halalan sa 2016. Ang paggastang ito, o election spending, ay magsisimula sa kalagitnaan ng 2015 at lalaki hanggang sa susunod na taon.

Ang pangunahing dahilan ng pagbagal ng ekonomiya noong 2014 ay ang mahinang paggugol ng pamahalaan, lalo na sa imprastraktura. Ito naman ay bunga ng mga kontrobersiya na may kaugnayan sa pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) at sa Disbursement Acceleration Program (DAP). Ang mga isyung ito ay naresolba na, at naniniwala akong bibilis at lalaki ang paggugol ng pamahalaan simula sa taong ito. Karaniwan nang nagpapatupad ng malalaking proyekto ang mga administrasyong patapos na ang termino sa huling bahagi ng kanilang paglilingkod.

Malaking bahagi ng P2.6-trilyong budget para sa 2015 ang gugugulin sa imprastraktura, kasama na ang rehabilitasyon ng mga dakong sinalanta ng kalamidad sa nagdaang mga taon. Balak din ng pamahalaan na pabilisin ang implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng programang Public-Private Partnership (PPP), kabilang na ang walong proyekto na nagkakahalaga ng P625 bilyon. May kinalaman din ang inflation sa paggalaw ng presyo ng mga bilihin. Noong Nobyembre, iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bumagal ang inflation rate sa 3.7 porsyento, mula sa 4.3 porsyento noong Oktubre. Naniniwala ako na malaking dahilan ang mababang presyo ng langis sa pagbagal ng inflation at sa desisyon ng BSP na panatilihing mababa ang interes sa pautang. Ayon sa Asian Development Bank (ADB), positibo ang magiging epekto ng pagbagsak ng presyo ng langis sa mga bansang umuunlad, gaya ng Pilipinas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bukod sa mga indibidwal na motorist, ang mababang presyo ng langis ay nakabubuti rin sa mga negosyo gaya ng pabahay o real estate. (Durugtungan)