Ngayong ginugunita ang kamatayan ni Dr. Jose Rizal, hindi maiiwasang malantad ang katanungan: Sino nga ba ang tunay na Pambansang Bayani ng ating bansa?
Hinggil dito, maliwanag ang minsang ipinahayag ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA): Walang pinagtibay na batas, proklamasyon o executive order na opisyal na kumikilala sa sinuman bilang Pambansang Bayani. Lumilitaw na kahit na si Dr. Rizal – na matagal nang itinuturo sa mga paaralan bilang isang bayani ng Pilipinas – ay hindi napag-ukulan ng naturang official title. Isa itong malaking kabalintunaan lalo na kung isasaalang-alang na ang kanyang mga monumento ay nakatayo hindi lamang sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas kundi maging sa maraming bansa sa daigdig. Hindi kapani-paniwala na siya ay ituturing na lamang bilang isang kolorum na bayani.
Batay sa pahiwatig ng NCCA, talagang hindi maiwasan ang paulit-ulit na pag-uusisa: Sino nga ba ang tunay na bayani ng Lahing Kayumanggi: Si Rizal, Andres Bonifacio o si Lapu-lapu? Magugunita na hindi iilang sektor ng sambayanan ang halos makipagbangayan sa pagsusulong kay Bonifacio bilang National Hero ng ating bansa.
Marapat na bigyang-diin na hanggang ngayon, walang opisyal na pagkilala kung sino ang dapat tanghaling Pambansang Bayani. Mabuti pa ang ilang national symbol ng bansa ay nabigyan ng opisyal na pagkilala; tulad ng Sampaguita bilang National Flower at Narra bilang National Tree, at iba pa. Alinsunod ito sa Commonwealth-era Executive Proclamations.
Marami nang pagtatangka na tinukoy at binigyan ng opisyal na pagkilala ang mga bayaning Pilipino. Noong panahon ni Presidente Ramos, halimbawa, binuo ang National Heroes Commission (NHC) upang suriin ang Filipino national personages na pararangalan batay sa kanilang maningning na karakter at natatanging mga nagawa para sa bayan.
Anuman ang sabihin ng sinuman, walang duda na si Dr. Jose Rizal – bilang isang henyo sa halos lahat ng larangan ng pakikipagsapalaran at isang martir – ang maituturing na Pambansang Bayani ng Pilipinas.