Ang mga lugar at aktibidad na iniuugnay sa buhay ng ating pambansang bayani, Dr. Jose P. Rizal, ay mga sentro ng selebrasyon ng RizalDay ngayong Disyembre 30, ang ika-118 anibersaryo ng kanyang pagkamartir sa Bagumbayan, na Rizal Park ngayon. Magtataas ng bandila ang mga tanggapan ng gobyerno na naka-half-mast sa araw na ito, na isnag non-working holiday, alinsunod sa Republic Act 229 na isinabatas noong 1948. Ang pagdaraos ng Rizal Day sa buong bansa ay magsisimula sa 7:03 ng umaga, ang oras ng pagbitay sa kanya.

Ang 101 anyos na Rizal Monument sa Rizal Park, idineklarang isang National Cultural Treasure ng National Museum at ng National Historical Commission of the Philippines, ang lugar na magtitipun-tipon ang mga opisyal ng gobyerno, mga kaapu-apuhan, mga miyembro ng diplomatic corps, at mga kinatawan ng pribadong sektor, akademya, at Rizal organizations, at magdaraos ng flag-raising at pag-aalay ng bulaklak bilang parangal sa mga aral at legasiya ni Rizal. Ang bantayog, na binubuo ng mga pigurang gawa sa tanso at isang granite obelisk at base, ay naglalaman ng mga labi ng pambansang bayani.

Malapit dito ang Fort Santiago kung saan ikinulong si Rizal bago binitay noong 1896. Sinundan ng mga miyembro ng Knights of Rizal ang mga yapak ng pambansang bayani sa Rizal Day mula sa kanyang selda sa fort hanggang sa kanyang tinayuan sa Rizal Park. May hiwalay na aktibidad ang Kababaihang Rizalista.

Ang mga lokal na opisyal, mga guro, at mga residente ang mangunguna sa pagtataas ng bandila at pag-aalay ng bulaklak sa lugar ng kapanganakan ng ating bayani sa Calamba, Laguna, na isa nang shrine ngayon, kung saan matatagpuan ang pinakamataas (22 talampakan) na estatwa ni Rizal. Makikita sa Rizal Shrine ang memorabilia, mga kopya ng manuskrito at mga debuho ni Dr. Rizal, pati na ang kamang kahoy na may apat na poste kung saan siya isinilang, ang kanyang silid at aklatan. Sa Rizaliana gallery makikita ang artifacts mula sa adult years ng ating bayani tulad ng mga bahagi ng kanyang amerikana nang siya ay bitayin.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Magdaraos din ng Rizal Day rites sa pangunguna ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas at Filipino communities sa America kung saan may siyam na estatwa ni Rizal ang itinayo – sa Carson City, California; Juneau, Alaska; Kauai at Lihue sa Hawaii; Chicago, Illinois; Orlando, Florida; Cherry Hill sa New Jersey; New York City; at sa Seattle, Washington – pati na rin sa Argentina, Belgium, Canada, China, France, Germany, Italy, Japan, at Spain kung saan matatagpuan ang kanyang mga monumento.

Ang unang selebrasyon ng Rizal Day ay idinaos noong Disyembre 30, 1898, nang pasinayaan ang unang Rizal monument sa Daet, Camarines Norte. Nag-isyu ang colonial government ng America ng Act. No. 243 noong Setyembre 28, 1902, ipinatupad ng Philippine Commission ang Act. No. 345, na nagtakda sa December 30 ng bawat taon bilang Rizal Day, at ginawa itong pista opisyal. Pinasinayaan ang monumento noong Disyembre 30, 1913, sa pagdiriwang ng ika-17 anibersaryo ng kamatayan ni Rizal.