Temporary Restraining Order (TRO) ng Supreme Court (SC) ang tanging makapipigil sa Department of Transportation and Communication (DoTC) sa pagpapatupad ng pagtataas ng pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) sa Enero.
Ito ang inihayag ng Malacañang, sinabing ang korte lang ang makapagdedesisyon kaugnay ng nakaambang taas-pasahe.
Iniulat na simula sa Enero 4 ay magiging epektibo na ang taas-pasahe ng LRT at MRT.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, inaasahan na nilang maraming grupo ang maglilitawan para kuwestiyunin ang bagong fare hike na ipatutupad ng DoTC sa LRT at MRT.
Gayunman, handa ang gobyerno sakaling hihilingin ng SC ang paliwanag nito kaugnay ng bagong fare hike.
Iginiit ni Valte na hihintayin na lang ng Malacañang kung ano ang magiging desisyon ng korte; kung magpapalabas ito ng TRO o hindi.
Ipinauubaya naman ng Malacañang sa DoTC ang pagpapaliwanag sa pagtaas ng pasahe ng LRT at MRT.