Dalawang pamilya ang naitampok sa balita sa isang programa ng telebisyon nitong Bisperas ng Pasko. Maaring hindi sinasadya, pero ipinakita nito kung paano ipagdiriwang ang Pasko ng pamilya nina Sen. Bong Revilla at ng isang naglilimahid na dukha. Dahil nga sa kaso niyang plunder, ipagdiriwang ng senador sa PNP Custodial Center kung saan siya pansamantalang nakapiit. Ang kahilingan ni Bong, wika ng kanyang maybahay na si Kongresista Lani Mercado, ay kapiling niya ang buo niyang pamilya.
Ipinakita pa ngang dumating sa piitan ang ama niyang si dating Senador Ramon Revilla, Sr. Nagdatingan din ang mga pagkaing kanilang pagsasaluhan pangunahin na dito ay ang lechon baboy. Naluha si Lani nang sabihin niyang una nilang ipagdiriwang ang Pasko sa labas ng kanilang tahanan. Ipinakita sa telebisyon ang kanilang malaking tahanan sa Alabang, marangya... maluho... Dahil sa piitan nga magno-Noche Buena at magpa-Pasko ang pamilya ni Bong, kakalog ang kanilang bahay.
Sa kabilang dako, ipinakita ng balita ang isang mahirap noong Bisperas na ng Pasko na tulak-tulak pa ang kariton at nagkukumahog pang kumita ng paghaharapan nila ng kanyang pamilya sa Noche Buena. Hapon na ay wala pa raw siyang gaanong kinikita dahil nga umuulan. Ang nakadelehensiya ay ang kanyang maybahay na hinalukay ang mabahong basura. Pinalad siyang may naihiwalay dito na naibenta niya. Sa ilalim ng tulay hinihintay ang ama dahil iyon palang tulak-tulak niyang kariton ay ang pinakabahay nila. Dito nila paghaharapan ng kanilang mga anak ang nadelihensiya nila para sa kanilang Noche Buena. Dukha man ang pamilyang ito, walang nakitang lumuluha sa isa man sa kanila sa araw na ito.
Ganito sukdulang pinaghihiwalay ng hindi makatarungang kondisyon ng bansa ang mamamayang Pilipino. Mayroong nagtatamasa ng labis-labis sa kanilang pangangailangan ang iilan. Napakarami naman ang hilahod na itinataguyod ang kanilang buhay. Napakahina ng gobyerno para ituwid ang maling sistemang ito. Pero may katarungan na hindi alam ng tao at hindi gaya ng iginagawad nito. Pinapanagot ng katarungang ito ang nagkasala at minamahal nito ang mga dukha. Kahit nga ibon sa himpapawid ay hindi nito pinababayaan. Ito ang tinatawag na poetic justice o karma.