Isang saksak sa dibdib ang tumapos sa buhay ng isang ina matapos siyang saksakin ng sarili niyang anak na babae sa Tukuran, Zamboanga del Sur, noong Linggo ng gabi.

Batay sa imbestigasyon ng Tukuran Municipal Police, nangyari ang insidente dakong 8:00 ng gabi sa Purok Makugihon sa Barangay Sto. Niño, Tukuran.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na kumakain ng hapunan si Joy Soon Alfanta, 28, sa bahay ng nakatatanda niyang kapatid nang pumasok ang ina niyang si Gloria Alfanta, na noon ay lasing umano.

Galit na galit si Gloria at pinagsabihan ng masasakit na salita ang anak.

DSWD, ipinag-utos ang agarang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ni Carina

Sumabat ang batang Alfanta at nauwi sa pag-aaway ang mag-ina.

Kumuha umano ng patalim ang biktima, at sinugod ng saksak si Joy Soon, pero nakailag ang huli at nagawang maagaw ang patalim sa ina at ito ang sinaksak niya.

Isinugod pa sa ospital ang ginang pero hindi na ito umabot nang buhay.

Kakasuhan ng parricide ang suspek na nakapiit na ngayon sa himpilan ng pulisya.