Nagpalabas kahapon ng abiso ang Department of Health (DoH) para maprotektahan ang mga bata laban sa pagkalason sa paputok na “Piccolo”.
Ayon sa DoH, madalas mapagkamalan ng mga paslit na kendi ang Piccolo kaya mahigpit nitong pinayuhan ang mga magulang na tiyaking mailalayo ang mga bata laban sa naturang ipinagbabawal na paputok.
Babala ng DoH, ang Piccolo ay nagtataglay ng yellow phosphorus, na maaaring maging sanhi ng kamatayan kung makalulunok ng mula 50 hanggang 100 milligrams nito.
Kabilang sa sintomas ng posibleng Piccolo poisoning ay pagkasunog sa balat at pagsusuka.
Sakali naman madiskubreng nakalunok ng Piccolo ang isang bata ay dapat na bigyan ito ng anim hanggang walong hilaw na puti ng itlog, walo hanggang 12 puti naman ng itlog para sa matatanda.
Sakali naman umanong tamaan o malagyan ng Piccolo sa mata, ay kaagad na hugasan ito ng tubig sa loob ng 15 minuto. Panatilihing bukas ang talukap ng mata.
Kung maapektuhan naman sa balat ay hugasan ng mabuti ang apektadong lugar, alisin ang kontaminadong damit at tiyaking nalabhan ito nang maayos bago muling gamitin.
Kung nakasinghot ng Piccolo, hayaang makalanghap ng sariwang hangin ang pasyente at panatilihin siyang komportable.
Sa lahat ng pagkakataon, tiyaking matapos na mabigyan ng first aid ang mga pasyente ay kaagad na kumonsulta sa doktor o pagamutan upang mabigyan ang mga ito ng kaukulang lunas.
Samantala, iniulat ni acting Health Secretary Janette Garin, na pumalo na sa 130 ang naitala nilang fireworks-related injuries simula Disyembre 21 hanggang Disyembre 28.