MAMAYA na ang katuparan ng tinawag na #JourneyToD(antes)Day, ang pagpapakasal nina Dingdong Dantes at Marian Rivera at 3:00 PM sa Immaculate Conception Cathedral of Cubao sa Quezon City.
Matutupad ang wish ni Marian na ang kanyang amang si Fran Javier Gracia Alonso ang maghahatid sa kanya sa altar, kasama ang kanyang Mommy Amalia at Lola Francisca. Ipinangako ito ni Señor Fran, nang hingin nang personal ni Dingdong ang kamay ng anak, na uuwi siya ng Pilipinas para sa kasal. Sinalubong siya ng dalawa nang dumating sa bansa mula Madrid, Spain noong December 27.
Bago dumating ang ama, sinalubong din sa airport nina Dingdong at Marian ang Filipino Dubai-based fashion designer na si Michael Cinco, dala ang ginawa nitong wedding gown ni Marian. Ipinangako kasi ni Michael na siya ang magbibihis nang personal kay Marian. Ang wedding gown ay unang makikita ni Dingdong habang naglalakad ang mapapangasawa papunta sa altar.
Sa isang hotel naka-check-in si Señor Fran at doon din manggagaling si Marian papunta sa simbahan, sakay ng restored Mercedes Benz sedan na unang ginamit ni Dingdong sa pag-aaral niya ng pagmamaneho noong 1976. Tiyak na excited na ang fans ni Marian kung ano ang wedding ring na isusuot ni Dingdong sa magiging asawa. Isa rin kaya itong Hans Brumann tulad ng engagement ring na ibinigay niya kay Marian noong mag-propose siya ng kasal?
Ang reception ay gaganapin sa Arena ng Mall of Asia at 6:45 PM. At kung masusunod ang schedule, bukas ay sasamahan ng mga bagong kasal si Señor Fran sa Boracay na matagal na nitong request kay Dingdong.
At ang honeymoon ay itutuloy nila kapag nakabalik na sa Spain ang ama ni Marian. Sa Paris nga kaya ang first destination ng honeymoon ng bagong kasal? Nag-post kasi sa Instagram (IG) ang Access Travel ng Eiffel Tower katabi ng wedding invitation nina Dingdong at Marian. Noon kasing tanungin sina Dingdong at Marian kung saan ang honeymoon, meron na raw naayos na lugar ang travel agent nila, pero hindi pa nila sinabi kung saan.