Robin Padilla

TUMANGGAP ng siyam na tropeo ang bio-epic na Bonifacio: Ang Unang Pangulo sa Gabi ng Parangal ng 40th Metro Manila Film Festival sa Plenary Hall ng Philippine International Convention Center (PICC) nitong December 27.

Best Picture, Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award at Youth’s Award ang tinanggap ng pelikula na nagtatampok kay Robin Padilla at dinirek ni Enzo Williams. Ayon sa ating editor, nakuha na ng Bonifacio ang atensiyon ng academe at cultural workers, pinag-uusapan na ito sa forums sa Internet ng mga kakilala niyang teachers/professors. Kaya hindi kataka-taka na marami na ring interesadong panoorin ito at sana nga ay narinig nila ang pakiusap ni Robin nang magbigay siya ng thank you speech after tanggapin ang Best Picture award.

“Maraming salamat po sa mga nanood na at sana ay ikalat ninyo na maganda ang ginawa naming pelikula at panoorin din nila,” saad ni Robin.  “Ginawa po namin ang Bonifacio: Ang Unang Pangulo upang ituwid ang ilang maling ulat tungkol sa buhay niya, na hindi natin nabasa sa mga aklat.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Kaya kahit po malaki ang budget, itinuloy namin ang paggawa ng pelikula na umabot ng ilang daang libong piso ang halaga, para lamang mabigyan kayo ng magandang pelikula kaya nagpapasalamat kami sa mga jurors sa pagkilala sa aming ginawa.  Nagpapasalamat ako sa aming mababait na producers at sa mga tumulong pa para madagdagan ang budget namin, tulad ng mga kompanya ng mga ini-endorse kong produkto dahil naniniwala sila sa amin.

“Kaya hayaan ninyong kumita o makabawi kami ng puhunan namin para may magamit din kami sa mga susunod naming proyekto, isa na rito ang buhay ni Heneral Gregorio del Pilar, ang pinakabatang heneral na ibinigay din ang buhay niya para sa bayan, na ang napili naming gumanap ay ang pamangkin ko, si Daniel Padilla.”

Binanggit din ni Robin ang kanyang hinahangaan at iginagalang na si Fernando Poe, Jr.

“Para sa akin, dahil sa kanyang pakikipaglaban noong kumandidato ang Da King, Fernando Poe Jr., na siya ang makabagong Andres Bonifacio. Kaya po hindi pa tapos ang rebolusyon, kung gagawin ang buhay niya, hindi man ako ang gaganap, marami riyan na p’wedeng gumanap na Fernando Poe, Jr.  Salamat po sa inyo.”

Sa ngayon, malaking tulong sa mga pelikulang umani ng awards dahil pinapasok na rin sila ng mga manonood. Tatagal pa hanggang sa January 6, 2015 ang pista ng pelikulang Pilipino.