Sinimulan na kahapon ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang joint fact finding investigation hinggil sa isyu ng booking at flight delay ng Cebu Pacific na nagresulta sa pagkakaantala ng biyahe ng halos 20,000 pasahero noong Disyembre 24 hanggang 26.

Isinagawa ang unang pagdinig sa tanggapan ng CAB sa MIAA Road, Pasay City na pinangunahan ni CAB Executive Director Carmelo Arcilla. Dumalo rin sa pagdinig sina Airport General Manager Jose Angel Honrado; at Atty. Juan Lorenzo “Jorenz” Tañada, vice president ng Cebu Pacific-Corporate Affairs.

Ayon kay Tañada, mahigit 19,000 pasahero ang naperwisyo matapos maantala ang biyahe ng 719 flight at kanselasyon ng 20 iba pa bunsod ng air traffic congestion at masamang panahon. Iginiit ni Tañada priyoridad ng kanilang kumpanya ang kaligtasan ng mga pasahero.

Pinabulaanan ni Tañada ang mga alegasyon na overbooking ang puno’t dulo ng flight delay dahil sinunod nila ang available seating capacity para sa mga pasahero. At kung nagkaroon man aniya ng overbooking, ito ay nasa isa hanggang dalawang porsiyento lamang.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binuweltahan naman ni Honrado si Tañada sa pahayag nitong air traffic congestion ang dahilan ng pagkakaantala ng mga biyahe ng eroplano at pagkakaipit ng mahabang oras ng mga pasahero.

Ayon sa airport manager, hindi sinunod ng airline company ang orihinal na oras ng departure at arrival ng mga eroplano nito na bumiyahe sa Manila patungo sa iba’t ibang lalawigan noong Christmas holiday.

Inatasan ng fact finding committee ang Cebu Pacific na isumite ang lahat ng dokumento hinggil sa mga delayed flight kasama ang reklamo ng mga pasaherong naapektuhan.

Sa susunod na pagdinig ng CAB sa Enero 2015, aalamin ng fact finding committee kung naranasan din ng ibang airline company ang problema sa umano’y overbooking at flight delay na bumalot sa Cebu Pacific. - Ariel Fernandez