Sa kabila ng pananamlay ng ekonomiya ng Japan, sinabi ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na itinaas ng Japan ang quota para sa mga Pilipinong medical worker na kukunin ng bansa sa 2015.
Sinabi ni POEA Administrator Hans Cacdac na inaasahang magha-hire ang Japan International Corporation of Welfare Services (JICWELS) ng nasa 350 overseas Filipino worker (OFW) sa susunod na taon bilang bahagi ng Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA).
Sa ilalim ng PJEPA, obligado ang Pilipinas na magpadala ng mga nurse at caregiver sa Japan upang magtrabaho sa mga ospital ng bansa.
“The number of job offers we received from the Japanese side is is the highest since the first batch. This is a good signal from Japanese employers,” sabi ni Cacdac.
Noong nakaraang taon, nagbukas ang JICWELS ng job vacancy para sa 51 Pinoy nurse at 146 na Pinoy caregiver.
Sinabi pa ni Cacdac na hindi apektado ng napaulat na economic recession noong nakaraang taon ang demand para sa mga OFW sa Japan. - Samuel Medenilla