Sa unang tingin, magpapagkamalan na ang mga kahon na naglalaman ng paputok ay gawa sa Bulacan tulad ng nakasaad sa etiketa ng mga ito.

Subalit natuklasan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) na ini-repack lamang ang dalawang shipment ng paputok ng manufacturer nito bago ipinuslit sa Manila International Container Port (MICP) upang linlangin ang BoC na gawang Bulacan ang mga kontrabando.

Kabilang sa mga repacked version ng paputok ay may tatak na “Piccolo” at “Pop-Pop” na sana’y ipagbibili sa lokal na merkado, ayon kay BoC Deputy Commissioner for Intelligence Jessie Dellosa.

Ideneklara ng importer ng firecrackers bilang “tissue paper” mula China upang hindi matiktikan sa pagdating nito sa MICP noong Oktubre.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Tinukoy ng BoC ang consignee ng kontrabando na Stellent Corporation.

“May kutob kami na mayroon pang hindi baba sa limang shipment na isinailalim sa Alert Order ang naglalaman ng smuggled firecrackers,” ayon kay Dellosa.

“Pero kailangang sumailalim ang mga shipment sa 100 percent physical inspection at mahigpit na safety conditions sa pier,” dagdag ng opisyal.

Base sa umiiral na batas, ang mga pag-aangkat ng firecrackers ay nangangailangan ng import permit mula sa Firearms and Explosives Office sa Camp Crame bago ang mga ito maipasok sa bansa.