Ni HANNAH L. TORREGOZA

Ngayong magsasagawa pa ang Senate Blue Ribbon Committee ng apat hanggang lima pang pagdinig kaugnay ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan ni Vice President Jejomar Binay, sinabi kahapon ni Senator Antonio Trillanes IV na inaasahan na niyang iuurong ng Bise Presidente ang kandidatura nito sa pagkapangulo sa eleksiyon sa 2016 dahil hindi naman nito makukuha ang suporta ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

“I am not discounting that possibility, na magba-back out siya sa pagkandidato. Hindi naman kasi ito ang unang pagkakataon na may inurungan ang Vice President,” sinabi ni Trillanes sa panayam ng DZBB.

“Kahit na sinabi pa niyang handang-handa na siyang maging presidente at wala nang urungan ang kanyang kandidatura, walang dudang uurong siya. Narinig ko na ‘yang mga ganyang linya niya, wala na talaga akong tiwala sa mga sinasabi niya,” ani Trillanes.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Tingnan na lang natin kung ‘di mangyari ‘yan sa kalagitnaan ng taon,” sabi ng senador.

By default, aniya, ay ieendorso ng Pangulo si Interior and Local Government Secretary Manuel “Mar” Roxas II bilang standard bearer ng Liberal Party.

“Hindi ko nakikitang ieendorso siya (Binay) ng Presidente. Ang nakikita ko [na susuportahan], by default, eh, si DILG Secretary Mar Roxas. It’s just a matter of time,” aniya.

Ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon sub-panel, na pinamumunuan ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, sa Enero 22 ang imbestigasyon sa umano’y ill-gotten wealth ng mga Binay at iba pang anomalya na nauugnay sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Nag-ugat ang kaso sa resolusyong inihain ni Trillanes nang hiniling niya sa Senado na imbestigahan ang mga alegasyon ng overpricing sa pagpapatayo ng Makati City Hall Parking Building 2.

Sinabi niyang may mga bagong ebidensiyang ipiprisinta laban sa Bise Presidente sa susunod na pagdinig, na tiyak nang higit pang magpapadausdos sa ratings ni Binay.