LUCENA CITY, Quezon – Tatlong katao, kabilang ang isang babaeng may-ari ng videoke bar, ang inaresto ng pulisya matapos saktan at molestiyahin ang isang pitong taong gulang na babae sa Barangay 4 sa siyudad na ito noong bisperas ng Pasko.
Kinilala ang mga naaresto na sina Mary Joy Andrade, may-ari ng Renzjoy Videoke Bar, at residente ng Red-V, Barangay Ibabang Dupay; Michael B. de la Cruz, 39, taho vendor; at Bernardo Palaganas, 46, ng St. Jude Village, Bgy. Cotta.
Lumitaw sa imbestigasyon na dakong 9:00 ng gabi noong Disyembre 24 nang umalis ang ina ng biktima sa videoke bar na roon ito nagtatrabaho bilang guest relation officer.
Subalit nang bumalik ang ina ng biktima ay napansin nito ang duguang T-shirt ng paslit na iniwan nito sa palikuran.
Nang tanungin ng ina, sinabi ng paslit na sinabunutan siya ni Andrade, piniringan ni De la Cruz, at binusalan ang bibig gamit ang isang towel at packing tape.
Sa puntong ito, nagsalitan umano ang tatlo sa pagbatok at pagsikmura sa paslit.
Binantaan pa umano ng mga suspek ang paslit na papatayin ang ina nito kapag nagsumbong hinggil sa insidente. (Danny J. Estacio)