CAGAYAN DE ORO CITY – Desidido ang militar na ituloy ang paghahain ng kasong kriminal laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) na dumukot sa dalawang sundalo subalit pinalaya rin ang mga ito matapos ang matagumpay na negosasyon sa Malaybalay, Bukidnon noong Biyernes.

Ito ay kabila ng isinusulong na usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa National Democratic Front (NDF).

Matatandaan na pinalaya ng mga rebelde noong Biyernes sina Private First Class Mamel Cinches at Jerrel Yorong matapos bihagin ng NPA ng apat na buwan at apat na araw.

Ang dalawa ay tinangay ng mga armadong rebelde habang nagsasagawa ng civil military operations sa Barangay Bontongon, Impasug-ong, Bukidnon noong Agosto 22.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Ang pagpapalaya sa dalawang sundalo ay resulta ng pakikipagnegosasyon ng isang grupong relihiyoso at ni Bukidnon Gov. Jose Maria Zubiri, na tumatayong chairman ng Provincial Peace and Order Committee.

Sinabi ni Lt. Col. Babilonia na ang pagdukot ay isang gawaing kriminal ng mga NPA na pawang miyembro ng Guerilla Front SECOM-89 at dapat kasuhan.

Sinabi naman ni Major Jonna Dalaguit, isa ring doktor, na wala silang nakitang palatandaan na pinahirapan o sinaktan ang mga sundalo subalit inaalam pa rin nila kung isinailalim ang dalawa sa mental torture. (Camcer Ordoñez Imam)