Hinimok ng Malacañang ang Kongreso at Senado na tiyaking maipapasa ang mga prioridad na panukala sa 2015.
Ito ay sa kabila ng nalalapit na ang presidential elections sa 2016.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na umaasa ang Palasyo na maipapasa ang mga prioridad na batas bago matapos ang termino ng presidente.
“Kahit marami tayong iniintindi nitong first quarter (of 2015): darating ang ating mahal na Santo Papa, ang APEC, full blast ang hosting natin, hopefully, mabigyan din ito ng karampatang atensiyon ng ating mga kasamahan,” sabi ni Valte.
Sinabi niyang bagamat posibleng nagsimula na ang pangangampanya para sa mga kakandidato sa 2016, umaasa ang Palasyo na hindi made-delay ang pagpapasa ng mga prioridad na panukalang batas.
Kabilang sa mga panukalang prioridad na ipasa ang Freedom of Information (FOI) Bill, Uniformed Personnel Pension Reform Bill at Bangsamoro Basic Law (BBL).
Kasabay nito, tiniyak ni Valte na magpapatuloy ang mga reporma sa ilalim ng gobyerno habang nasa puwesto ni Aquino.