SA takbo ng pangyayari, mukhang ang pelikulang Amazing Praybeyt Benjamin ang magiging top-grosser sa taong 2014, hindi lang sa 40th Metro Manila Film Festival.
Sa pagtaya ng industry experts, puwede raw malagpasan ng pelikula nina Vice Ganda, Richard Yap at Bimby Aquino Yap ang kinita naman ng Starting Over Again nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga.
Kung mangyari nga ‘yun, sa halip na si Papa P ay si Vice Ganda ang magiging Box office King ng taon.
Pero ayon sa nakausap naming taga-Star Cinema ay malakas pa rin ang paniniwala niya na si Piolo ang magiging Box Office King ng taon.
Samantala, halos lahat ng pelikula sa inilabas na Top 10 top grossing local films ng Box-Office Mojo ay gawa ng Star Cinema. Kaya walang dudang ang nasabing film outfit ang nananatiling number one.
Ang mga artista pa rin ng Dos ang may malakas na box office power. Walang binatbat ang mga alagang artista ng ibang network, huh!
Nasa Dos ang may box office power na kagaya nina Coco Martin, Sarah Geronimo, Piolo Pascual, Toni Gonzaga, Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Kim Chiu, Xian Lim at ang mga kasalukuyang pinipilahan ang mga pelikula na sina Vice Ganda, Richard Yap at si Kris Aquino.
Samantala, naririto ang top 10 local films na ipinalabas sa taong 2014, ayon sa Box-Office Mojo.
1. Starting Over Again (Star Cinema)
2. Bride for Rent (Star Cinema)
3. She’s Dating The Gangster (Star Cinema)
4. Maybe This Time (Star Cinema/Viva Films)
5. Da Possessed (Star Cinema)
6. Diary Ng Panget (Viva Films)
7. Talk Back And You’re Dead (Star Cinema/Viva Films)
8. The Gifted (Star Cinema/Viva Films)
9. Maria Leonora Teresa (Star Cinema)
10. The Trial (Star Cinema)