Ginugunita ng sambayanang Pilipino tuwing Disyembre 30 ng bawat taon ang pagkamartir ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Sa mga lalawigan at bayan sa buong bansa, sabay-sabay na magpaparangal sa ating pambansang bayani sa pag-aalay ng mga bulaklak sa kanyang bantayog at pagdaraos ng programang sasariwa sa kanyang kagitingan at pagkamakabayan.

Sa lalawigan ng Rizal, kung saan hinango sa pambansang bayani ang pangalan, ay may joint commemoration na gagawin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal at ng Pamahalaan Panlungsod ng Antipolo. Pangungunahan ang paggunita nina Rizal Governor Rebecca Nini Ynares, Vice Governor Frisco Popoy San Juan Jr., Antipolo City Mayor Jun Ynares III at ng mga miyembro ng Sanggunian Panlalawigan. Gagawin ito sa sa harap ng Rizal Provincial Capitol sa Antipolo na sa tabi nito ay naroon ang bantayog ni Dr. Jose Rizal.

Sa Taytay, Rizal, ang paggunita ay pangungunahan naman ng Knights of Rizal at ng mga lokal na opisyal ng Taytay. Gagawin ang programa sa harap ng lumang gusali ng munisipyo sa kabayanan na naroon ang bantayog ni Rizal. Tampok na panauhing tagapagsalita si Rizal Provincial Director Senior Supt. Bernabe Balba. Magbibigay din ng kanyang mensahe si Taytay Mayor Janet De Leon Mercado, ang unang babaeng naging mayor ng Taytay, Rizal. Ayon naman kay dating Rizal provincial administrator at Supreme Commander ng Knights of Rizal at chairman ngayon ng Jose Rizal Model Students of the Philippines, tampok na bahagi ng paggunita ng Rizal Day ng Knights of Rizal ang pagkakaloob ng pagkilala at parangal sa napiling 10 Jose Rizal Model Students of the Philippines. Pangungunahan ang paggunita ni Knights of Rizal supreme Commander Gerry Singson.

Ang pagka-martir ni Dr. Jose Rizal ay nagningas ng nasyonalismo. Ang mga simulain ng ating pambansang bayani ang gumising sa isipan ng mga Pilipino at nakilala ang pagtitiwala at dangal sa kanilang sarili. Naging ambag sa paghihimagsik ng mga Pilipino laban sa mapang-aping pananakop ng mga Kastila. Inusig at pinatay si Dr Joise Rizal ng mga Kastila. Ang pangalan ni Dr Jose Rizal ay patuloy na mabubuhay sa diwa ng Lahing Kayumanggi.
National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!