Inihayag ng Palasyo na mabibiyayaan ang mga empleyado ng karagdagang P10,000 tax exemption mula sa kanilang mga benepisyo ngayong Enero.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. na ito ang naging pahayag nina Labor Secretary Rosalinda Baldoz at Finance Secretary Cesar Purisima para sa milyung-milyong empleyado sa bansa.
“Ito ay bunsod ng pag-apruba ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga bagong patakaran kaugnay ng karagdagang tax exemption sa mga benepisyo na ibinibigay sa mga empleyado sa ilalim ng collective bargaining agreement (CBA) at productivity incentive scheme,” ani Coloma.
Ito rin, aniya, ay resulta ng patuloy na pakikipagdiyalogo ng Pangulo sa mga grupo ng manggagawa.
“Ang mga bagong guideline ay ipatutupad sa Enero 2015 sa pamamagitan ng isang revenue regulation na ipalalabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR),” dagdag ng kalihim.
Inilarawan ni Purisima na ang karagdagang tax exemption para sa tinaguriang “deniminis” benefits ay pakikinabangan ng karamihan sa mga manggagawa na tumatanggap ng mababang sahod.
Dahil dito, aabot na ang kabuuang benepisyo sa P104,225 mula sa kasalukuyang P74,225.
Samantala, aabot naman sa P17 milyon ang mababawas sa revenue collection ng BIR dahil sa ipatutupad na additional tax exemption. - Philippine News Agency