Matapos ang tatlong magkakasunod na big-time oil price rollback na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis sa bansa ngayong Disyembre 2014, sasalubong naman sa mga biyahero pabalik sa Metro Manila ang inaasahang pagtaas sa presyo ng petrolyo sa unang linggo ng Enero 2015.
Ayon sa taya, posibleng tumaas ng 40 sentimos hanggang 60 sentimos ang kada litro ng diesel, 20 sentimos hanggang 40 sentimos sa gasolina at 10 sentimos sa kerosene.
Ang napipintong dagdag-presyo sa petrolyo ay bunsod ng paggalaw sa presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Noong Disyembre 21, nagtapyas ang mga kumpanya ng P1.40 sa presyo ng kerosene, P1.35 sa diesel at P1.10 sa gasolina.
Dahil sa patuloy na pagbaba ng halaga ng petrolyo, muling naghain ng petisyon ang transport group na Pasang Masda sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang hilinging ibaba sa P7 ang minimum na pasahe sa jeep mula sa kasalukuyang P7.50 sa bawat apat na kilometrong biyahe.
Mariing tinutulan ng ibang grupo ng transportasyon ang naturang hirit, iginiit na dapat unahin umanong ibaba ng gobyerno ang presyo ng mga bilihin at serbisyo para makatulong sa mga transport driver at kanilang pamilya.