Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng kanilang prangkisa ay nawalis ang Talk ‘N Text sa playoffs na ginawa sa kanila ng San Miguel Beer noong nakaraang Biyernes ng gabi para maangkin ang unang finals berth ng ginaganap na 2015 PBA Philippine Cup sa MOA Arena sa Pasay City.
Ayon kay coach Jong Uichico, sa maikling panahon ng kanyang pag-upo bilang bagong headcoach ng Tropang Texters ay malaki na ang naging improvement ng koponan.
Ngunit sadya aniyang wala silang pantapat sa malalim na bench ng Beermen at sa higante nitong si Junemar Fajardo kaya lagi silang kinakapos sa huli.
“From the time we started, malaki na ang naging improvement ng team. It’s just that we didn’t have enough,” ani Uichico.”We lost to a team with a lot of forces.”
Ngunit para kay Uichico ang tunay na nagbigay ng malaking diperensiya at naging susi sa nasabing tagumpay ng Beermen ay ang pagbabalik ni Alex Cabagnot.
“’Yung kay Junemar (Fajardo) given na ‘yun e, wala talaga kaming puwedeng itapat sa kanya.He played so well. He’s improved a lot since Gilas. You can’t stop him. Dino-douible na naming, nakaka-iskor pa.,” ayon pa kay Uichico.”But the trade of Cabagnot, in my opinion, that really gave them a different dimension to their game,that made the difference.”
Matatandaang bago ang huling deadline para sa trade at pagpapalit ng players, nakuha ng Beermen at naibalik sa kanilang roister si Cabagnot buhat sa Globalport bilang kapalit ni Sol Mercado.
Sa kanyang pagbabalik sa dating koponan para sa katatapos na kampanya nila sa semis, nagtala si Cabagnot ng average na 14.8 puntos, 5.0 rebounds at ,3.3 assists, mga numerong lalong nagpatibay sa sinabi ni Uichico.
At dahil dito, naniniwala si Uichico na kahit sino ang makatapat ng San Miguel sa finals, sila ang liyamado.
“Plus 10 pa. They’re strong. They have a big advantage on whoever they play against, whether it’s Alaska or Rain or Shine. They’ll have a distinct advantage. They’re the favorites. They’re 10 points better than any team.”