Tuluyan nang naging bagyo ang low pressure area (LPA) sa bahagi ng Surigao del Sur, at 14 na lalawigan ang apektado ng tinatawag ngayon na bagyong ‘Seniang’.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Goephysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kabilang sa isinailalim sa public storm warning signal (PSWS) No. 1 ang Southern Leyte, Bohol, Siquijor, Surigao del Norte,
Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Davao del Norte, Davao Oriental, Compostella Valley, Camiguin Island, Misamis Oriental, Bukidnon at Dinagat Islands.
Inihayag kahapon ng PAGASA na huling namataan ang bagyo sa layong 210 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at kumikilos pakanluran sa bilis na 11 kph.
Sa taya ng PAGASA, magla-landfall ang Seniang sa Hinatuan ngayong Lunes ng umaga, kaya asahan na ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa mga nabanggit na lugar.
Pinag-iingat din ng ahensiya ang mga residente sa mabababang lugar sa mga nabanggit na lalawigan laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Pinaalalahanan din ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa malalaking alon.